Philippine Folktales

Home > Other > Philippine Folktales > Page 3
Philippine Folktales Page 3

by Joanne Marie Igoy-Escalona


  Sabi ni Maria sa alimango, “tinatrato akong parang utusan ng aking madrasta at ng aking mga kapatid. May kasayahan mamayang gabi subalit wala akong damit na maisusuot.” Habang nag-uusap sila ng alimango, dumating si Juana. Galit na galit ang kaniyang madrasta at inutusan si Maria na hulihin ang alimango para sa hapunan. Kinuha agad ni Maria ang alimango at dinala sa bahay. Noong una, ayaw niya itong lutuin dahil alam niyang ito ang kaniyang ina. Subalit pinalo siya nang malakas ni Juana, kaya napilitan siyang sumunod na lang. Bago niya ito mailagay sa palayok upang lutuin, nagwika ang alimango kay Maria. “Huwag kang kakain ng laman ko. Ipunin mo ang mga balat ko matapos nila akong kainin. Pagkaraan, ibaon mo ang mga piraso doon sa hardin sa palibot ng bahay. Magiging punongkahoy ang mga ito at ipagkakaloob nito ang lahat ng naisin mo basta hilingin mo lamang sa puno.” Nang makain na ng kaniyang ama at madrasta ang laman ng alimango, inipon ni Maria ang lahat ng balat at ibinaon nga niya ito sa hardin tulad ng sabi ng ina. Nang magtatakipsilim na, nakita niya ang isang punongkahoy sa lugar mismo ng pinaglibingan niya ng balat ng alimango.

  Kinagabihan, nagpunta sina Rosa at Damiana sa kasayahan. Samantala, ang kanilang inang si Juana ay nagpahinga noong gabing ’yon pagkaalis ng kaniyang mga anak. Nang makita ni Maria na tulog na ang kaniyang madrasta, nagpunta siya sa hardin at hiniling sa puno ang kailangan niya. Pinalitan ng puno ang suot niya ng napakagandang damit. Binigyan rin siya ng magandang karwahe na hinihila ng apat na napakagagandang kabayo at isang pares ng gintong tsinelas. Bago siya umalis, sabi sa kaniya ng puno, “Sa ganap na alas-dose, kailangang nasa bahay ka na. Kung hindi, babalik sa punit-punit at marumi ang damit mo at ang karwahe mo ay maglalaho.”

  Pagkatapos mangako na hindi niya kalilimutan ang paalala ng puno, nagpunta si Maria sa kasayahan. Masaya siyang sinalubong ng prinsipe. Namangha ang lahat ng mga kababaihan nang makita siya. Siya ang pinakamaganda sa lahat. Di nagtagal, umupo siya sa pagitan ng kaniyang dalawang kapatid, subalit hindi siya nakilala ng sinuman sa kanila. Buong oras siyang isinayaw ng prinsipe. Nang mapansin ni Maria na alas-onse y medya na, ibinalik ng puno sa luma ang kaniyang magandang damit. Umuwi na siya pagkatapos. Pagdating niya sa hardin, ibinalik ng puno sa luma ang kaniyang magandang damit at naglaho ang karwahe. Noon din ay natulog siya. Nang makauwi ang kaniyang mga kapatid, ikinuwento sa kaniya ang lahat ng nangyari sa kasayahan.

  Nang sumunod na gabi, nagpatawag na naman ng kasayahan ang prinsipe. Pagkatapos isuot nila Rosa at Damiana ang pinakamagaganda nilang damit at saka umalis, pumunta ulit si Maria sa hardin upang humiling ng magandang damit. Sa pagkakataong ito, binigyan siya ng karwahe na hinihila ng limang kabayo. Tulad ng dati, pinaalalahanan siya na bumalik bago dumating ang alas-dose. Tuwang-tuwa ang prinsipe na makita siya. Isinayaw siya nito nang buong gabi. Nalibang nang husto si Maria kaya hindi niya napansin ang oras.

  Mabilis siyang tumakbo palabas ng pinto ng palasyo. Ngunit sa kaniyang pagmamadali, nalaglag ang isa sa mga ginintuang tsinelas niya. Nang gabing iyon lumakad siyang pauwi na suot ang kaniyang luma at punit-punit na damit. Nasa kaniya ang isa sa mga ginintuang tsinelas, subalit ang isa na nalaglag niya sa may pinto ay napulot ng isa sa mga guwardiya at ibinigay sa prinsipe. Sinabi niya na naiwan ito ng isang magandang binibini na tumakbo papalabas ng palasyo nang pumatak na sa alas-dose ang orasan. Noong oras ding iyon, ipinaalam sa lahat ng naroroon ang nais ng prinsipe, “Kung kanino mang binibini magkakasiya ang tsinelas na ito ang magiging asawa ng prinsipe.”

  Kinaumagahan, inutusan ng prinsipe ang isa sa kaniyang mga guwardiya na dalhin ang gintong tsinelas sa bawat bahay sa siyudad sa pagbabakasakaling mahanap ang nagmamay-ari nito. Ang unang bahay na kanilang pinuntahan ay ang tinitirhan nina Maria. Sinubukan itong isuot ni Rosa pero lubhang napakalaki ng paa niya. Isinukat din ito ni Damiana pero napakaliit naman ng paa niya. Paulit-ulit na sinubukang isuot ng magkapatid ang tsinelas ngunit nabigo sila. Sinabi ni Matia na nais din niyang subukan sukatin ang tsinelas pero agad na tumutol ang kaniyang mga kapatid, “Marumi ang mga paa mo. Hindi magkakasiya sa paa mo ang ginintuang tsinelas na ito sapagkat higit na malaki ang mga paa mo kaysa sa amin,” saka siya pinagtawanan. Subalit ang mismong guwardiyang may dala ng tsinelas ang nagsabi, “Pabayaan ninyo siyang isukat ang tsinelas. Ang utos ng prinsipe ay ipasukat ito sa lahat.” Kaya ibinigay ito kay Maria at sukat na sukat ito sa kaniya. Saka niya kinuha ang kapares ng tsinelas sa ilalim ng damit niya at isinuot sa kabilang paa. Nang makita ng magkapatid ang dalawang tsinelas sa paa ni Maria ay muntik na silang himatayin sa pagkamangha.

  Mabel Cook Cole

  ANG ARAW AT ANG BUWAN

  Tinguian

  Minsan, nag-away si Araw at si Buwan. Sabi ni Araw, “Buwan ka lang at hindi ka gano’n kagaling. Kung hindi kita binigyan ng liwanag, wala ka talagang ibubuga.”

  Subalit sumagot si Buwan,“Araw ka lang at napakainit mo. Mas gusto ako ng mga kababaihan, sapagkat kapag kumikinang ako sa gabi, lumalabas sila at sumasayaw nang paikot.”

  Ang mga salitang ito na binitawan ni Buwan ay lubhang ikinagalit ni Araw kaya hinagisan niya ito ng buhangin sa mukha. Ngayon, makikita pa rin ang itim na pekas sa mukha ng buwan.

  ANG LALAKI AT ANG KANIYANG MGA NIYOG

  Tinguian

  Isang araw, may isang lalaking nakapag-ipon ng niyog. Ikinarga niya ang napakabibigat na mga bunga ng niyog sa kabayo niya. Nang pauwi na siya, nakasalubong siya ng bata at tinanong niya ito kung gaano katagal ang kaniyang paglalakbay pauwi sa kanilang bahay.

  “Kung dahan-dahan ka,” sabi ng bata habang nakatingin sa karga ng kabayo, “makararating ka agad. Pero kung bibilisan mo, aabutin ka nang maghapon.”

  Hindi siya makapaniwala sa narinig. Kaya umalis na siya at pinatakbo nang mabilis ang kabayo. Ngunit nahulog ang mga niyog kaya napatigil siya para pulutin ang mga ito.

  Pagkaraan, lalo niyang pinatakbo nang mabilis ang kabayo upang mabawi ang mga oras na nawala, subalit nahulog na naman ang mga niyog. Maraming ulit niyang ginawa ito, kaya gabi na nang makarating siya sa bahay niya.

  PAANO NAGKAROON NG BUWAN AT MGA BITUIN

  Bukidnon (Mindanao)

  Noong unang panahon, nang ang langit ay malapit pa sa lupa, may isang matandang dalaga na lumabas para magbayo ng bigas. Bago siya nagsimula, inalis niya ang kuwintas sa leeg niya at ang suklay sa buhok niya at saka niya isinabit ang mga ito sa langit. Noong panahong iyon, nagmukha itong batong koral.

  Pagkaraan, nagsimula na siyang magbayo at sa bawat pagtaas ng pambayo niya, natatamaan nito ang langit. Sa tagal ng kaniyang pagbabayo sa bigas, pataas din nang pataas ang pagtama sa langit ng kaniyang pambayo. Tumaas din nang tumaas ang langit hanggang sa hindi na niya makita ang kaniyang kuwintas at suklay.

  Hindi na muling bumaba ang langit. Ang kaniyang suklay ang naging buwan at ang mga beads sa kaniyang kuwintas ang naging mga bituin na nagkalat sa kalangitan.

  ANG KALABAW AT ANG SUSO

  Tinguian

  Isang napakainit ng araw noon nang magpunta sa ilog ang kalabaw upang maligo. Doon ay nakilala niya ang isang suso at iyon ang simula ng kanilang pag-uusap.

  “Napakabagal mo,” sabi ng kalabaw sa suso.

  “Ay, hindi a!” sagot ng suso. “Matatalo kita sa takbuhan.”

  “E di subukan natin para makita natin,” sagot ng kalabaw.

  Dahil dito, nagpunta sila sa tabing-ilog at nagsimulang tumakbo. Nang malayo na ang natatakbo ng kalabaw, tumigil siya at sumigaw, “Suso!”

  At may ibang suso na nasa tabi ng ilog ang sumagot, “Narito ako!”

  Sa pag-aakala ng kalabaw na siya ang parehong suso, patuloy siyang tumakbo. Nang malayo-layo na siya, tinanong niyang muli ang suso para malaman niya ang kinaroroonan nito.

  Sumagot ang isa pang suso, “Narito ako!”

  Nagtaka ang kalabaw na nakaya siyang abutan ng suso. Kaya tumakbo siya nang tumakbo, pero sa bawat paghinto niya para tawagin ang suso, may iba na namang suso ang sumasagot. Kaya nagpatuloy siya sa pagtakbo hanggang sa siya ay tuluyang namatay.

  ANG UNANG MATSING

  Bisaya

  Maraming taon na ang lumipas, may isang maliit na bayan sa paanan ng burol na natatak
pan ng gubat. Sa itaas ng bayan sa gilid ng burol, may isang munting bahay na may nakatirang matandang babae at ang apo niyang lalaki.

  Napakasipag ng matandang babae. Ikinabubuhay nilang dalawa ang pag-aalis ng mga buto ng bulak. Palagi itong may dalang basket na pinaglalagyan niya ng bulak at isang mahabang patpat na gamit niyang kidkiran. Samantala, ang bata naman ay napakatamad at hindi man lang tumutulong sa lola niya. Sa halip, araw-araw siyang nagpupunta sa bayan para magsugal.

  Isang araw, nang naubusan na ng pera ang bata, umuwi ito. Nainis siya dahil hindi pa handa ang kaniyang hapunan.

  “Binibilisan ko ang pagkuha ng mga buto sa bulak na ito,” sabi ng lola, “at kapag naibenta ko na, bibili ako agad ng makakain natin.”

  Nagalit ang bata dahil dito. Dumampot siya ng ilang bao ng niyog at ibinato sa lola niya. Nagalit ang lola at pinalo niya ang bata ng patpat niya na agad namang naging pangit na hayop. Ang bulak ay naging balahibo na bumalot sa buong katawan niya, at ang patpat naman ang naging buntot.

  Nang malaman ng bata na naging pangit na hayop na siya, nagtatakbo siya sa bayan. Pinagpapalo niya ng buntot niya ang mga kasamahang sugarol. At noon din ay naging mga hayop sila tulad niya.

  Bunga nito, ayaw na silang tanggapin pa sa bayan, kaya sila ay itinaboy. Nagpunta sila sa kagubatan at doon nanirahan sa mga punongkahoy. Simula noon, sila ay nakilala bilang mga matsing.

  ANG LABAN NG MGA ALIMANGO

  Bisaya

  Isang araw, nagpulong ang mga alimango. Sabi ng isa sa kanila, “Ano ang gagawin natin sa mga alon? Palagi silang kumakanta nang malakas, hindi na tayo makatulog.”

  “Kung gano’n,” sagot ng isa sa mga pinakamatandang alimango, “kailangan na nating makipagdigma sa kanila.”

  Sinang-ayunan ito ng iba. Napagkasunduan nila na kinabukasan ay kailangan maghanda sa pakikipaglaban sa mga alon ang lahat ng mga lalaking alimango. Papunta na sila sa dagat tulad ng napagkasunduan nang makasulubong nila ang isang hipon.

  “Mga kaibigan, saan kayo pupunta?” tanong ng hipon.

  “Makikipaglaban kami sa mga alon,” sagot ng mga alimango. “Sapagkat masyado silang maingay sa gabi at hindi na kami makatulog.”

  “Sa tingin ko hindi kayo magtatagumpay,” sabi ng hipon. “Napakalakas ng mga alon samantalang napakahina ng mga binti n’yo na halos sumasayad na sa lupa pati ang mga katawan n’yo kapag lumalakad kayo.” Tumawa nang malakas ang hipon pagkatapos.

  Ito ang lalong nagpagalit sa mga alimango. Sinipit nila ang hipon hanggang sa mangako ito na tutulong sa kanilang pakikipaglaban.

  Nagpunta silang lahat sa tabing-dagat. Napansin ng alimango na iba ang puwesto ng mga mata ng hipon at hindi katulad ng sa kanila. Naisip nila na may mali kaya pinagtawanan nila ito, at sinabi sa kaniya, “Kaibigang hipon, nakaharap sa maling direksiyon ang mukha mo. Ano ang sandata mo sa pakikipaglaban sa mga alon?”

  “Ang sibat sa aking ulo ang sandata ko,” sagot ng hipon. Pagkasagot na pagkasagot niya, nakita niya na may malaking alon na paparating at tumakbo siya papalayo. Hindi ito nakita ng mga alimango, sapagkat nakatingin silang lahat sa tabing-dagat. Natabunan sila ng tubig at nalunod.

  Hindi nagtagal, nag-alala na ang mga asawa ng mga alimango dahil hindi na sila bumalik. Dahil dito, pumunta sila sa may tabing-dagat para tingnan kung may maitutulong sila sa labanan. Ngunit hindi nagtagal, natabunan rin sila ng tubig at namatay.

  Libo-libong maliliit na alimango ang nakita sa may tabing-dagat. Binibisita silang madalas ng hipon at ikinukuwento sa kanila ang malungkot na sinapit ng kanilang mga magulang. Magpasahanggang ngayon, makikita pa rin ang maliliit na alimangong ito na patuloy na tumatakbo papunta at pabalik sa tabing-dagat. Tila nagmamadali silang bumaba para labanan ang mga alon. Kapag hindi naging sapat ang tapang nila, tumatakbo sila pabalik sa lupa kung saan tumira ang kanilang mga ninuno. Hindi sila tumira sa lupa tulad ng kanilang mga ninuno at hindi rin sa dagat kung saan nakatira ang ibang mga alimango. Nakatira sila sa tabing-dagat kung saan tinatangay at sinusubukan silang durugin ng alon kapag mataas ang tubig sa dagat.

  ANG PANGULONG NAGKAROON NG SUNGAY

  Ilokano

  Minsan, may isang pangulo na hindi makatarungan sa mga tauhan niya. Isang araw, galit na galit siya sa kanila at hinangad niya na magkasungay siya para takutin sila. Matapos ang padalos-dalos na paghiling, kaagad siyang tinubuan ng sungay.

  Nagpatawag siya ng barbero para gupitan siya sa bahay. At habang ginugupitan siya ng barbero, tinanong siya ng pangulo, “Ano ang nakikita mo sa ulo ko?”

  “Wala po,” sagot ng barbero. Kahit na kitang-kita niya ang mga sungay, natatakot siyang sabihin ito.

  Tapos, itinaas ng pangulo ang kamay niya at nakapa ang mga sungay. Nang tanungin niyang muli ang barbero, sumagot siya na mayroon siyang dalawang sungay. “Kapag sinabi mo kahit kanino ang nakita mo, mabibitay ka,” sabi ng pangulo. Tumakbo ang barbero sa sobrang takot.

  Nakarating rin ang barbero sa bahay niya. Wala siyang balak na ipaalam kaninuman ang nalaman niya. Subalit habang iniisip niya ang kaniyang lihim, tumitindi ang kagustuhan niya na sabihin na ito sa iba dahil hindi na niya ito kayang itago pa. Kaya nagpunta na siya sa bukid at naghukay sa ilalim ng ilang punong kawayan. Nang sapat na ang laki ng hukay, gumapang siya sa loob at ibinulong na ang pangulo ay may mga sungay. Tapos ay umakyat na siya palabas, tinabunan ang butas, at umuwi.

  Maya-maya, may ilang tao na napadaan sa kawayan, papunta sa palengke. Napatigil sila sa sobrang gulat dahil may narinig silang boses mula sa mga puno at sinasabi nito na may sungay ang pangulo. Nagmamadaling pumunta sa palengke ang mga tao at ipinamalita nila kung ano ang narinig nila. Pumunta naman sa kawayan ang mga tao upang pakinggan ang kakaibang boses. Ibinalita nila ito sa iba at di nagtagal ay kumalat na ito sa buong bayan. Ibinalita rin ito sa mga konsehal at pinuntahan din nila ang kawayan.

  Nang marinig nila ang boses, tumakbo sila sa bahay ng pangulo. Subalit sinabi ng asawa nito na malubha ang sakit niya at hindi siya puwedeng makita. Samantala, humaba nang humaba pa ang mga sungay ng pangulo at umabot na ito nang isang talampakan. Hiyang-hiya ang pangulo kaya inutusan niya ang asawa niya na sabihin sa mga tao na hindi siya makapagsalita. At ito nga ang sinabi sa mga konsehal na dumating kinabukasan. Subalit iginiit nila na gusto nilang makita ang pangulo dahil narinig nila na mayroon siyang mga sungay, at kung totoo ito, wala siyang karapatang mamuno sa mga tao.

  Hindi niya pinayagang pumasok ang mga ito kaya winasak nila ang pinto. Nakita nila ang mga sungay sa ulo ng pangulo at pinatay nila ito. Ayon sa kanila, hindi na siya nalalayo sa isang hayop.

  BAKIT IKINAKAWAG NG MGA ASO ANG KANILANG BUNTOT

  Bisaya

  May isang mayamang lalaki sa isang bayan na may alagang aso at pusa na talaga namang maraming pakinabang sa kaniya. Ang aso’y marami nang napagsilbihang amo at tumanda na rin ito nang husto kaya hindi na kayang makipaglaban pa. Ngunit mabuti siyang gabay at kasa-kasama ng pusa na malakas at matalino.

  May anak na babae ang amo nila na nag-aaral sa isang kumbento na may kalayuan sa bahay. Madalas niyang inuutusan ang aso at ang pusa na dalhan ng mga regalo ang kaniyang anak.

  Isang araw, tinawag niya ang matatapat niyang alaga. Inutusan niya silang dalhin ang mahiwagang singsing sa anak niya.

  “Malakas ka at matapang,” sabi niya sa pusa. “Maaari mong dalhin ang singsing pero ingatan mo na huwag itong malaglag.”

  At sinabi niya sa aso, “Kailangang samahan mo ang pusa nang magabayan at maipagtanggol siya sa kapamahakan.”

  Nangako sila na gagawin nila ang kanilang makakaya, at saka umalis. Maayos naman ang lahat hanggang sa makarating sila sa isang ilog. Dahil walang tulay at wala ring bangka, walang ibang paraan para makatawid kundi ang lumangoy.

  “Ibigay mo sa akin ang mahiwagang singsing,” sabi ng aso nang handa na silang lumundag sa tubig.

  “Hindi puwede,” sagot ng pusa. “ipinahawak sa akin ito ng amo natin.”

  “Ngunit hindi ka magaling lumangoy,” katuwiran ng aso. “Malakas ako at kaya ko itong pag-ingatan.”

  Subalit tumanggi ang pusa na ibigay ang singsing. Hanggang sa binantaan siya ng aso na papatayin siya,
kaya napilitan siyang ibigay na rin ito sa aso.

  Napakalawak ng ilog at napakalakas ng agos kaya lubha silang napagod. At bago nila marating ang kabilang pampang, nahulog ng aso ang singsing. Hinanap nila itong mabuti subalit hindi nila ito nakita kahit saan.

  Makalipas ang ilang sandali, bumalik na sila upang sabihin sa amo nila ang malungkot na pagkawala ng singsing. Bago pa man makarating sa bahay, natakot ang aso kaya tumakbo siya papalayo. At hindi na siya nakita pang muli.

  Mag-isang tumuloy ang pusa. Nang makita ng amo na parating na ito, tinawag niya ito at tinanong kung bakit nakabalik siya agad at kung ano ang nangyari sa kaibigan niya. Natakot ang kawawang pusa. Pero ipinaliwanag niyang mabuti kung paano nawala ang singsing at kung bakit lumayas ang aso.

  Galit na galit ang amo nang marinig ang kuwento nito. Iniutos niya sa lahat ng mga tauhan niya na hanapin ang aso at parusahan siya sa pamamagitan ng pagputol ng buntot niya.

  Iniutos din niya na tumulong sa paghahanap ang lahat ng aso sa mundo. Mula noon kapag nasasalubong ng isang aso ang kapwa niya, nagtatanong siya, “Ikaw ba ’yong matandang aso na nakawala sa mahiwagang singsing? Kung oo, kailangang putulin ang buntot mo.” Agad-agad, ang bawat isa ay nagpapakita ng kanilang ngipin at iwinawasiwas ang kanilang buntot upang patunayan na hindi sila ang salarin.

  Simula rin noon, takot na ang mga pusa sa tubig. At hanggang maiiwasan, hindi sila lumalangoy para tumawid sa ilog.

 

‹ Prev